Tungkol sa palabas na ito

Ang The Six Million Dollar Man ay isang serye sa telebisyon sa Estados Unidos tungkol sa isang kathang-isip na cyborg na naghahanapbuhay para sa OSI o Office of Scientific Intelligence o tinatawag ding Office of Scientific Investigation, maging Office of Strategic Intelligence. Ibinatay ang palabas sa nobelang Cyborg ni Martin Caidin. Sumahimpapawid ito ng American Broadcasting Corporation bilang isang serye mula 1974 hanggang 1978, makaraan ang tatlong pelikulang pantelebisyong pumailalanlang sa himpapawid noong 1973. Ginampanan ni Lee Majors - isang sikat na artistang Amerikano noong dekada ng 1970 - ang katauhan ng pangunahing kathang-isip na tauhang si Steve Austin. Nagkaroon din ito ng katumbas na palabas na kinabibidahan ng isang babaeng "taong-robot", ang The Bionic Woman.